Tayo'y Magkaisa Para sa Ating Bansa
Maraming
pinagdaan ang ating wika. Maraming pangyayari ang nagbigay daan para mabuhay
ang wikang Filipino. Hanggang sa dumating ang araw na kanilang pinakahihintay,
ang araw ng pag-ani ng kanilang naipundar na pagsisikap para sa ating wika. Ang
ating wika ang siyang kaluluwa ng ating bansa na kung makapagpapatunay na tayo
ay Pilipino. Ang bansa ay umunlad din dahil sa ating wika. Maging ang pagkakaisa
ng mga mamamayan ay hindi rin makakamtam kung wala itong wika na isa sa mga
pinakamahalagang sangkap ng bansa.
Ang pagkakaroon ng sarili nating wika ay isang karangalan sa ating
bansa. Ito ay isang sukatan natin ng yaman ng lahi sa kultura, tradisyon, at
paniniwala ng ating bansang Pilipinas. Mahalaga na ito'y ating pagyamanin para
sa mga susunod na henerasyon. Ang pagkakaroon ng iisang wika ay
nangangahulugang nagkakaisa ang mga mamamayan at nagkakaintindihan ang lahat
para sa iisang hangarin. Dahil kung hindi pinahalagahan noon na magkaroon ng
pambansang wika ay hindi magkakaintindihan at magulo ang pakikipag-komunikasyon
at talastasan. Hindi magiging maayos ang buhay kung iba’t-ibang wikang etniko
ang dapat nating isaulo.
Ang pagkakaisa ng mga mamamayan ng ating bansa sa isipan at gawa
ay dapat nating makamtam. Ang pagkakabuklod na hinahangad ay makakamtam lamang
kapag ang kanilang wikang sarili ay ang ginagamit ng bawat mamamayan rito.
Ngayong nasa tuwid na landas na tayo, ating ipagmalaki at ipagbunyi na mayroon
tayong iisang wika at ito ang Filipino na daan sa iisa nating hangarin, at ito
ang pagbabago sa lipunan. Nawa’y ating gamitin ng wasto ngayong buwan ng wika
ang Filipino at taas-noo tayong magsalita sa ating sariling wika!